Ikalawang Panalangin ng Pagpapasalamat



Talagang marapat na Ikaw ay aming pasalamatan, Panginoon, Amang Banal, Diyos na makapangyarihan at walang hanggan, sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon.

Kaya kaisa ng mga Anghel na nagsisiawit ng papuri sa Iyo nang walang humpay sa kalangitan, kami'y nagbubunyi sa Iyong kadakilaan:

Santo, Santo, Santo Panginoong Diyos ng mga hukbo. Napupuno ang langit at lupa ng kaluwalhatian Mo. Osana sa kaitaasan! Pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon. Osana sa kaitaasan!


Manalangin tayo:
Ama naming Banal, Ikaw ang bukal ng tanang kabanalan. Kaya't sa pamamagitan ng Iyong Espiritu, gawin Mong banal ang mga kaloob na ito upang para sa ami'y maging Katawan at Dugo ng aming Panginoong Hesukristo.

Bago Niya pinagtiisang kusang-loob na maging handog, hinawakan Niya ang tinapay, pinasalamatan Ka Niya, pinaghati-hati iyon, iniabot sa Kanyang mga alagad at sinabi:


TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN: SAPAGKAT ITO ANG AKING KATAWAN, NA IHAHANDOG PARA SA INYO.


Gayundin naman, noong matapos ang hapunan, hinawakan Niya ang kalis, muli Ka Niyang pinasalamatan, iniabot Niya ang kalis sa Kanyang mga alagad at sinabi:


TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN: SAPAGKAT ITO ANG KALIS NG AKING DUGO, NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN, ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN. GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.


V. Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.
R. Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay! Si Kristo'y babalik sa wakas ng panahon!

Ama, ginagawa namin ngayon ang pag-alala sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng Iyong Anak kaya't iniaalay namin sa Iyo ang tinapay na nagbibigay-buhay at ang kalis na nagkakaloob ng kaligtasan. Kami'y nagpapasalamat dahil kami'y Iyong minarapat na tumayo sa harap Mo para maglingkod sa Iyo.

Isinasamo naming kaming magsasalu-salo sa Katawan at Dugo ni Kristo ay mabuklod sa pagkakaisa sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ama, lingapin Mo ang Iyong Simbahang laganap sa buong daigdig. Puspusin Mo kami sa pag-ibig, kaisa ni [N.] na aming Papa, at ni [N.] na aming Obispo, at ng tanang kaparian.

Alalahanin Mo rin ang mga kapatid naming nahimlay nang may pag-asang sila'y muling mabubuhay, gayundin ang lahat ng mga pumanaw. Kaawaan Mo sila at patuluyin sa Iyong kaluwalhatian. Kaawaan Mo at pagindapatin kaming lahat na makasalo sa buhay na walang hanggan. Kaisa ng Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos, kaisa ng mga Apostol at ng lahat ng mga Banal na nabuhay dito sa daigdig nang kalugud-lugod sa Iyo, maipagdiwang nawa namin ang pagpupuri sa ikararangal Mo sa pamamagitan ng Iyong Anak na aming Panginoong Hesukristo.

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya, at sa Kanya, ang lahat ng parangal at papuri ay sa Iyo, Diyos Amang makapangyarihan, kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.