Ikatlong Panalangin ng Pagpapasalamat



Manalangin tayo:
Ama naming Banal, dapat Kang purihin ng tanang kinapal sapagkat sa pamamagitan ng Iyong Anak na aming Panginoong Hesukristo at sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang lahat ay binibigyan Mo ng buhay at kabanalan. Walang sawa Mong tinitipon ang Iyong bayan upang mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw ay maihain ang malinis na handog para sa Iyong kadakilaan.

Ama, isinasamo naming pabanalin Mo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang mga kaloob na ito na aming inilalaan sa Iyo upang maging Katawan at Dugo ng Iyong Anak at aming Panginoong Hesukristo na nag-utos sa aming ipagdiwang ang misteryong ito.

Noong gabing siya'y ipagkanulo, hinawakan Niya ang tinapay, pinasalamatan Ka Niya, pinaghati-hati iyon, iniabot sa Kanyang mga alagad at sinabi:


TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN: SAPAGKAT ITO ANG AKING KATAWAN, NA IHAHANDOG PARA SA INYO.


Gayundin naman, noong matapos ang hapunan, hinawakan Niya ang kalis, muli Ka Niyang pinasalamatan, iniabot Niya ang kalis sa Kanyang mga alagad at sinabi:


TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN: SAPAGKAT ITO ANG KALIS NG AKING DUGO, NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN, ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN. GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.


V. Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.
R. Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay! Si Kristo'y babalik sa wakas ng panahon!

Ama, bilang pag-alala sa Iyong Anak na nagligtas sa amin, sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus, sa Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa kalangitan, habang pinananabikan namin ang Kanyang pagbabalik, iniaalay namin sa Iyo bilang pasasalamat ang handog na ito na nagbibigay-buhay.

Lingapin Mo ang handog na ito ng Iyong Simbahan. Masdan Mo ang Iyong Anak na nag-alay ng Kanyang buhay upang kami ay ipagkasundo sa Iyo. Loobin Mong kaming magsasalu-salo sa Kanyang Katawan at Dugo ay mapuspos ng Espiritu Santo at maging isang katawan at isang diwa kay Kristo.

Nawa'y gawin Niya kaming handog na habang-panahon para sa Iyo. Nawa'y tamasahin namin ang Iyong pamana kaisa ng Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos, ni San Jose na kanyang kabiyak, kaisa ng mga Apostol, ng mga Martir, at ng lahat ng mga Banal na aming inaasahang laging nakikiusap para sa amin sa Iyong harapan.

Ama, ang handog na ito ng aming pakikipagkasundo sa Iyo ay magbunga nawa ng kapayapaan at kaligtasan para sa buong daigdig. Patatagin Mo sa pananampalataya at pag-ibig ang Iyong Simbahang naglalakbay sa lupa: ang Iyong lingkod na si [N.] na aming Papa, si [N.] na aming Obispo, ang tanang kaparian, at ang buong bayang Iyong tinubos.

Dinggin Mo ang mga kahilingan ng Iyong angkan na ngayo'y tinipon Mo sa Iyong harapan. Amang maawain, kupkupin Mo ang lahat ng Iyong mga anak nasaan man sila. Alalahanin Mo ang mga kapatid naming pumanaw, at ang lahat ng lumisan na sa mundong ito na taglay ang Iyong kabutihang-loob. Sila nawa'y pagindapatin Mong makasalo sa Iyong kaharian. At kaming lahat ay umaasang makararating din doon upang makapiling Mo magpakailanman, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon, na sa Kanya'y ipinagkakaloob Mo sa daigdig ang lahat ng kabutihan.

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama Niya, at sa Kanya, ang lahat ng parangal at papuri ay sa Iyo, Diyos Amang makapangyarihan, kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Amen.